Martes, Hulyo 4, 2017

19 TIPS PARA SUMAYA


Lahat tayo ay naghahanap ng kasiyahan sa buhay. Heto ang aking mga payo:

1. Magdesisyon na maging masaya – Mag-isip ng paraan at bagay-bagay na magpapasaya sa iyo. Sa plano mo, huwag din kakalimutan ang kasiyahan ng ibang tao, tulad ng iyong asawa at anak.

2. Gamitin ang iyong talento – Saan ka ba magaling? Marunong ka bang kumanta, sumayaw, magpinta, sumulat o magtalumpati? Hanapin at palakasin ang iyong talento.

3. Maglaro – Makipaglaro sa mga bata. Gumawa ng oras para sa sports at magrelaks.

4. Bilangin ang biyaya sa buhay – Magpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng biyaya na binigay niya.

5. Mahalin ang sarili – Lahat ng tao ay nagkakamali. Ayusin ang pagkakamali, humingi ng tawad at kalimutan mo na ito.

6. Tingnan ang ganda sa paligid – Nakita mo na ba ang pagsikat ng araw? Nalanghap mo ba ang simoy ng hangin? Narinig mo ba ang kanta ng mga ibon? Ang kalikasan ay punong-puno ng saya.

7. Magrelaks – Kapag napagod ka sa trabaho, mag-relaks at maligo ng maligamgam na tubig. Pagkatapos, magbasa ng iyong paboritong magasin o komiks. Maging abala din sa iyong hobby.

8. Maging malapit sa kamag-anak at kaibigan – Ayon sa isang pagsusuri, ang pagkausap sa isang matalik na kaibigan ng isang oras ay katumbas na ng pag-inom ng isang tabletang pain-reliever.

9. Maghanap ng positibong kaibigan – Humanap ng mga positibong tao, iyung palaging masaya at maganda ang pananaw sa buhay.

10. Tumulong sa kapwa – Ayon sa pagsusuri, tataas ang “endorphins” mo sa katawan sa pagtulong sa kapwa. Ang endorphin ay isang kemikal na nagpapalakas ng ating katawan at nagpapasaya sa atin.

11. Mag-isip ng masasayang bagay – Ayon kay Norman Vincent Peale, ang awtor ng mga libro sa Positive Thinking, dapat nating turuan ang ating sarili na mag-isip ng masasaya. Sabihin mong, “Okay lang ako. Kayang-kaya iyan. Malulutas din iyan.”

12. Magbasa at makinig ng good news lamang – Piliin lang ang mga magagandang balita.

13. Tumawa – Ayon sa pagsusuri, ang panonood ng masayang palabas ay nakapagtatanggal ng lungkot, galit at inis.

14. Alagaan ang iyong kalusugan – Paano ka sasaya kung may sakit ka? Kumain ng tama. Umiwas sa bisyo tulad ng sigarilyo at alak. Magpa-check-up din sa doktor.

15. Mag-ehersisyo – May kakaibang saya ang naidudulot ng ehersisyo. Kapag ika’y napawisan, sasarap ang iyong pakiramdam.

16. Maghanap na katamtamang stress sa buhay –Kung sobra ang stress, masama ito sa katawan.

17. Matulog – Kailangan mo ng 7-8 oras ng tulog bawat gabi.

18. Umibig – Ang taong umiibig ay puwedeng humaba ang buhay ng 7 taon. Oo, tunay iyan. Mas maligaya din ang may partner kaysa sa wala.

19. Maniwala sa Dios – Ayon sa pagsusuri, ang mga taong may tiwala sa Diyos ay mas masaya kumpara sa mga hindi naniniwala.



Share:

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento